HINDI LAGING NAKAKATULONG YUNG AKALA NATING MAKAKATULONG

Ang pagtulong sa kapwa ay isa sa pinakamasarap na pakiramdam habang tayo ay nabubuhay. Ito ay isang nakakahawang ugali na namamana ng mga anak sa kanilang magulang. Ang pagtulong din ay pagpapakita ng iyong pagmamahal sa kapwa.
Nakakwentuhan ko ang aking kapitbahay at napagusapan namin ang pagtulong. Si Ate mel ay isang matulunging babae. Nakapagaral siya dahil siya din ay natulungan ng kanyang tiyahin. Nakapagtapos si Ate Mel ng kursong accountancy. Pumasa at nagkaroon ng magandang trabaho. Noong early '90s si Ate Mel ay sumasahod na ng mahigit 20 mil, hindi pa kasama ang kanyang mga incentives at bunos. Sa madaling salita nakakaluwag si Ate Mel sa buhay. Si Ate Mel ang tipo ng babaeng hindi nakikipagaway. Matagal ko ng kapitbahay si Ate Mel ni minsan hindi kami nagkaaway at nakasagutan. Masasabi kong napakabait talaga niya. Siya na talaga ang pinakamartir. Hindi marunong magalit. Bihira lang ang taong ganito.

Dahil nakakaluwag siya sa buhay noong dekada 90 hanggang taong 2010 siya ang sandalan ng kanyang mga pamangkin at pinsan sa kanilang pagaaral. Literal na siya ang gumagastos lahat-lahat sa kanilang pagaaral. Si Ate Mel pa mismo ang nagkukusang nagpapaalala ng kanilang allowance. Halos walang natira kay Ate Mel dahil ang sabi niya nagiinvest siya in the future. Iniisip niya na tutulungan din siya ng mga pinapaaral niya pagmagigipit siya at matutulungan din ang kanyang anak sa pagaaral sa kolehiya.

May mga naipundar na gamit si ate Mel. May house and lot. Meron sasakyan at iba pang kasangkapan sa bahay. Ang masakit na katutuhan ay wala siyang ipon. Hindi niya naisip na magtabi. Naniniwala siyang ang kanyang mga tinulungan ay lilingon pag-magigipit siya. Lahat ng sahod niya tinutulong niya sa lahat ng pinagaaral nila. Madami sila hindi lang dalawa ang tinulungan niya kundi lampas sampu. Tinunutulungan niya ang mga ito sa magkaibang taon. Aniya, mabuti nang tumulong upang sa pagtanda niya ay may tutulong din sa kanyang mga anak na magpapaaral sa kolehiyo. Late na nagasawa si ate Mel at biniyayaan ng apat na anak.

Nagkamali si Ate Mel ng inakala. Kwento ni Ate Mel, ni isa sa kanila ay hindi niya naalalang magthank you sa kanya. Lahat ng tinulungan niya magaganda na ang buhay. Nakakaluwag na din ngunit ni isa sa kanila ay hindi nakaalalang tulungan siya lalo na sa panahong gipit siya dahil sa pagkakasakit ng kanyang asawa. Habang nagkukwento si Ate Mel sa akin, nakita kong tumulo ang luha niya. Marahil sa hinanakit niya sa kanila. Hindi niya masabi sa kanila. Patuloy akong nakikinig sa kwento niya. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng nararamdaman niya ngunit hindi ko pinahalatang pati ako nasasaktan sa mga narinig ko. Nagsilbing aral daw sa kaniya ang nangyari sa kanya. Wala akong ibang masabi kundi ang palakasin siya. Sabi ko lahat ng pagtulong niya ay may gantimpala sa taas.

Malaking aral sa akin ang mga naririnig ko kay ate Mel. Ako din ay produkto ng aking mga kapatid. Dahil sa kanila ako ay nakatapos sa aking pagaaral sa kolehiyo. Malaking utang na loob ko sa kanila kahit nagkaroon man ako ng sama ng loob sa kapatid ko dati ay babawi ako sa mga kapatid ko. Ano pa man ang napagdaan na hindi maganda sa kapatid ko pinatawad ko na. Hindi ako magkaroon ng magandang trabaho kundi dahil sa kanila. Ang leksiyon dito masarap tumulong ngunit magtira din sa sarili para balang araw lahat man sila mawala sayo meron ka pangmasasandalan sa sarili mo. Ang perang pinaghirapan mo ay ipunin mo dahil hindi laging nakakatulong yung akala nating makakatulong.

Translate

Related Posts