Eh di Wow!

Malayo na ang nararating ng kulturang Pilipino lalo na sa lenguahe.  Sa paglipas ng panahon nadadagdagan na naman ng makabagong ekspresyon sa pananalita.  Ang isa sa mga ginagamit na pagpapahayag ay ang "E di wow".  Ang salitang akalain mo may maganda ang kahulugan base sa literal natin na pagkaunawa.  Animo'y tugon bilang papuri.  Ngunit kadalasan ang salitang ito ay negatibong tugon.

Ibat-ibang opinyon kung sino ang unang gumamit ng ekspresyon na ito.  Subalit, sa aking pagkakaalam madalas itong binabanggit ng mga artista sa telebisyon.  Ito ay ginagawang ekspresyon sa mga noon time show.  Ginagamit sa pagpapatawa hanggang sa lumaganap na parang epidemya.  Kasabay din ng pagsikat ay paglaganap ng ibat ibang memes sa social media na talaga namang patok sa kabataan.  

Sa unang tingin ang "Eh di wow" ay tila sagot pagkamangha.  Ngunit ang salitang ito ay madalas pagtugon na pabalang. Negatibong pagsagot sa kausap.  Hindi pagkamangha kundi di pagsangayon sa kausap.  Ito ay may double-sided na kahulugan.  Madalas makakarinig ka nito sa mga magbabarkada na naguusap.  Minsan usapan sa chat at comment area ng facebook.  Hindi din papahuli ang mga kabataang sampung taong gulang pababa.  Kung karamihan sa kabataan ay kinagigiliwan ang paggamit ng ekspresyon, nababahala naman ang karamihan sa mga magulang sa magiging epekto nito sa paguugali ng kanilang mga anak.  Maraming magulang ang dismayado dahil unti unting nawawala na ang pagiging magalang ng mga anak. 

Kung ako ang tatanungin, ang ekspresyon ay parte ng ebolusyon ng pagkatao.  Produkto ng mga taong malawak ang imahinasyon.  Ito may adbentahe sa paglinang ng kultura ng bansa.  Sa kabilang banda ang paggamit ng ekspresyon ay madalas panlipas oras lamang.  Madami ang gumugamit at sumasabay sa uso.  Ngunit, pagkalipas ng ilang taon ay unti unting nawawala.  Pwede din naman na napapasa sa makabagong henerasyon o di kaya'y napapagusapan lamang kung kasikatan pa.  Tingnan niyo ngayon dahil hindi na masyadong ginagamit sa telebisyon unti untin na ring naglalaho.

Matutong magbayad ng Utang

Reminders sa mga Mangungutang
Halos lahat ng tao dumaan sa sitwasyon na gipit sa pera kaya gumagawa ng paraan para masolusyunan ang kakulangan sa pinansyal.  Ang isa sa pinakamabilis na solusyon ay ang pagutang sa kaibigan, kamaganak, kakilala o minsan sa bangko. 

Maraming uri ng mangungutang. May nagpapanggap na palakaibigan.  Kakaibiganin ka muna  hanggang sa makuha ang iyong tiwala. Ikaw naman na walang kamalay malay nagtiwala at kinaibigan mo naman. May magaling umarte na mangungutang.  Best actor sa kadramahan.  Ang drama niya idadaan sa paiyak iyak.  Meron din mangungutang na akala mo maamong tupa. Maganda ang postura: maganda at gwapo hindi mo akalain na kapalmuks pala.  May magagaling din magsalita at papaikutin at hanggang sa mabibilog ka. 

Mangangako itong kapalmuks na mangungutang na ito.  Sasabihin sa sahod ka bayaran.  Sasabihin pa sayo sigurado yun babayaran ka.  Nagigipit lang daw siya kaya siya mangungutang.  Ang hindi mo alam ganun din ang pala ang mga buladas niya sa kanyang dating inutangan.  Nakasanayan na talaga niya mangungutang hanggang sa nagkapatong-patong na mga utang niya.

Dumating ang singilan, sasabihin sayo pasensya na may emergency.  Meron pang ganito, sa oras na hindi mo napuntahan sa araw na pinangako niya dahil busy ka din sa mga ginagawa mo - sasabihin sayo, bakit ngayon ka lang dumating nagastos ko tuloy ang pera? Pinambayad na kuryente at naibayad na sa tubig etc.  At kung ano-anu pang ang idadahilan hanggang sa magsawa kana sa kakasingil.  Paulit ulit kang maninigil pero hindi ka pa din binabayaran.  Kailangan mo pa naman ang pera dahil may paggagastusan ka.

Noong naubos na pasensya mo napagsabihan mo na.  Kinumpronta mo na siya.  Ang kapalmuks galit pa sayo at matapang pa sayo.  Malakas pa ang boses niya kaysa sayo.  Kung ano-anu ang sasabihin na masakit na salita. Ikaw na ngayon ang sasabihang madamot, walang kunsiderasyon.  Lumalabas na ikaw na pa yung masama.  Hanggang sa nag-away na kayo ng tuluyan.  Nag-kabaranggayan na kayo dahil lang sa utang.  Kung anu-anong namang tsismis ang ipagkakalat niya tungkol sayo.  Alam na kasi niya sikreto mo eh.  Nagtiwala ka na sa kanya kaya nasabi mo na din yung mga sikretong hindi dapat sabihin.  Kaya ayun nabitag ka.  Simula noon natuto ka dahil nauntog kana.  Hindi kana basta basta nagpapautang lalo na kung hindi naman emergency.

Ito pangaral ni Nicole Hyala at Chris Tsuper sa mga nangungutang na hindi nagbabayad.  Matutong magbayad ng utang dahil tandaan: Hindi lang pera sa taong iyon ang kinuha mo kundi pati na rin utang na loob at tiwala. 

HINDI LAGING NAKAKATULONG YUNG AKALA NATING MAKAKATULONG

Ang pagtulong sa kapwa ay isa sa pinakamasarap na pakiramdam habang tayo ay nabubuhay. Ito ay isang nakakahawang ugali na namamana ng mga anak sa kanilang magulang. Ang pagtulong din ay pagpapakita ng iyong pagmamahal sa kapwa.
Nakakwentuhan ko ang aking kapitbahay at napagusapan namin ang pagtulong. Si Ate mel ay isang matulunging babae. Nakapagaral siya dahil siya din ay natulungan ng kanyang tiyahin. Nakapagtapos si Ate Mel ng kursong accountancy. Pumasa at nagkaroon ng magandang trabaho. Noong early '90s si Ate Mel ay sumasahod na ng mahigit 20 mil, hindi pa kasama ang kanyang mga incentives at bunos. Sa madaling salita nakakaluwag si Ate Mel sa buhay. Si Ate Mel ang tipo ng babaeng hindi nakikipagaway. Matagal ko ng kapitbahay si Ate Mel ni minsan hindi kami nagkaaway at nakasagutan. Masasabi kong napakabait talaga niya. Siya na talaga ang pinakamartir. Hindi marunong magalit. Bihira lang ang taong ganito.

Dahil nakakaluwag siya sa buhay noong dekada 90 hanggang taong 2010 siya ang sandalan ng kanyang mga pamangkin at pinsan sa kanilang pagaaral. Literal na siya ang gumagastos lahat-lahat sa kanilang pagaaral. Si Ate Mel pa mismo ang nagkukusang nagpapaalala ng kanilang allowance. Halos walang natira kay Ate Mel dahil ang sabi niya nagiinvest siya in the future. Iniisip niya na tutulungan din siya ng mga pinapaaral niya pagmagigipit siya at matutulungan din ang kanyang anak sa pagaaral sa kolehiya.

May mga naipundar na gamit si ate Mel. May house and lot. Meron sasakyan at iba pang kasangkapan sa bahay. Ang masakit na katutuhan ay wala siyang ipon. Hindi niya naisip na magtabi. Naniniwala siyang ang kanyang mga tinulungan ay lilingon pag-magigipit siya. Lahat ng sahod niya tinutulong niya sa lahat ng pinagaaral nila. Madami sila hindi lang dalawa ang tinulungan niya kundi lampas sampu. Tinunutulungan niya ang mga ito sa magkaibang taon. Aniya, mabuti nang tumulong upang sa pagtanda niya ay may tutulong din sa kanyang mga anak na magpapaaral sa kolehiyo. Late na nagasawa si ate Mel at biniyayaan ng apat na anak.

Nagkamali si Ate Mel ng inakala. Kwento ni Ate Mel, ni isa sa kanila ay hindi niya naalalang magthank you sa kanya. Lahat ng tinulungan niya magaganda na ang buhay. Nakakaluwag na din ngunit ni isa sa kanila ay hindi nakaalalang tulungan siya lalo na sa panahong gipit siya dahil sa pagkakasakit ng kanyang asawa. Habang nagkukwento si Ate Mel sa akin, nakita kong tumulo ang luha niya. Marahil sa hinanakit niya sa kanila. Hindi niya masabi sa kanila. Patuloy akong nakikinig sa kwento niya. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng nararamdaman niya ngunit hindi ko pinahalatang pati ako nasasaktan sa mga narinig ko. Nagsilbing aral daw sa kaniya ang nangyari sa kanya. Wala akong ibang masabi kundi ang palakasin siya. Sabi ko lahat ng pagtulong niya ay may gantimpala sa taas.

Malaking aral sa akin ang mga naririnig ko kay ate Mel. Ako din ay produkto ng aking mga kapatid. Dahil sa kanila ako ay nakatapos sa aking pagaaral sa kolehiyo. Malaking utang na loob ko sa kanila kahit nagkaroon man ako ng sama ng loob sa kapatid ko dati ay babawi ako sa mga kapatid ko. Ano pa man ang napagdaan na hindi maganda sa kapatid ko pinatawad ko na. Hindi ako magkaroon ng magandang trabaho kundi dahil sa kanila. Ang leksiyon dito masarap tumulong ngunit magtira din sa sarili para balang araw lahat man sila mawala sayo meron ka pangmasasandalan sa sarili mo. Ang perang pinaghirapan mo ay ipunin mo dahil hindi laging nakakatulong yung akala nating makakatulong.

Translate

Related Posts